Labhan Ang Puso Gamit Ang Tide
Sa paglipas ng panahon, marahil isa ka na sa mga lumuluha at dumadaing dahil sa sakit sa puso. Oo, sakit sa puso! Pero hindi ito basta basta sakit tulad ng myocardial infarction, cardiomegaly o 'ung mga typical arrhythmias na dinaranas ng mga pasaway at sige pa rin sa pagkain ng bawal. Ang sakit na tinutukoy ko ay isang sitwasyon na kung saan ang puso ay nakikipaglaban nang patayan upang makuha ang “pag-ibig” na gagamot sa kanyang mga naghihikahos na ventricles at atria. Ito ‘ung tipong kinakailangan mo ng mismong brand name na “TLC” na kung saan ang generic name ng gamot ay “unconditional love”. Pero, subalit, ngunit, datapwat, sapagkat, merong mga tuluyan nang nagpalamon sa mga kalaban at hindi nakaligtas sa hamon ng pag-ibig. Ito ‘ung mga pusong nasugatan nang labis at namantsahan ng pagdurugo ang kanilang mga puso.
Sabi sa commercial, “New and Improved Tide”. Abah! New na, improved pa! Siguradong walang maiiwan na mantsa sa damit mo. Naisip ko tuloy, kung pwedeng labhan ang puso, Tide ang gagamitin ko. Tanggal ang bahid ng sakit, mantsa ng mapait na nakaraan at tanggal pati mikrobyo ng mga luha ng kahapon. Heto ang tips para sa isang mahusay at matagumpay na paglalaba:
Pagbababad: Ibabad muna ang puso sa isang timbang tubig at kalahating sachet ng Tide. Maghintay ng ilang oras at tiyak na tanggal ang ibang luha at sakit na nakakapit dito.
Pagkusot: Maaring gamitin ang pinagbabaran pero mas mainam kung panibagong sabon at tubig ang gagamitin sa pagkusot ng puso. Marahang hawakan ang puso at kusutin ang mga parte na lubhang namantsahan ng kirot at pighati mula sa mga mantsa ng walang kwentang manloloko. Maari rin humingi ng tulong kay kaibigang Clorox upang tuluyang maibsan ang pagdadalamhating mahigit isang dekada nang kinikimkim ng puso.
Pagbanlaw: Matapos ang pagkusot ay ang pagbabanlaw. Paulit- ulit ang pagbabanlaw. Maaring 2-3 beses itong ginagawa upang tuluyang maalis ang sabon na ginamit dito. Ito rin ay isang paraan upang matanggal ang mga amoy at mikrobyo ng isang madamdaming break-up. Matapos ang pagbabanlaw ay ang pagpiga sa puso upang alisin ang bigat na dinadala nito.
Pagsampay: Matapos ang banlawan ay ang pagsasampay. Sa paraang ito, hinahayaan mong mahanginan ang puso mong matagal ng hindi makahinga dahil sa mga problema at kawalan ng oras para magsaya. Dito mo mapapatuyo ang mga luha ng kahapon na tuluyan mo nang makakalimutan. Kasama sa ihip ng hangin ang mga pait na dinanas ng iyong puso mula sa mga mantsa ng mga relasyong nagdulot sa iyo ng sakit at dalamhati.
Matapos ang paglalaba ay maari na ulit isuot ang puso. Panibagong simula ang nakalaan sa iyo at isang laban na naman ang haharapin mo sa buhay. At kung muling madumihan ang iyong puso sa gitna ng “pagmamahalan”, ‘wag mag-alala pagkat meron pang natitra sa tide na ginamit mo.
At kung hindi pa nakakapaglaba, huwag hayaan ang iyong puso na bumaho at magtutong sa lungkot at galit na dulot ng mga mantsa ng masaklap na kahapon. Mas magandang pumasok muli sa isang relasyon na bagong laba ang ating mga puso, busilak at payapa… walang bahid ng pighati at mantsa ng kalungkutan. At habang ika’y nagmumuni-muni, babanlawan ko na ang puso ko na bagong kusot lamang gamit ang tide.
############################
This weblog was originally written @ the author's friendster blog dated last July 23, 2006.
Comments